Ang Artikulo Onse: Citizen’s War Against Corruption (CWAC) ay buong pusong sumusuporta at sumasalubong sa desisyon ng Pangulo na magtatag ng isang independent commission na magsisilbing matibay na bantay laban sa katiwalian sa pamahalaan.
“Naniniwala kami na ang pagkakaroon ng isang malaya at makapangyarihang komisyon ay mahalagang hakbang upang maibalik ang tiwala ng taumbayan. Ngunit upang maging tunay na epektibo, mariin naming isinusulong na pawang mga eksperto, may mataas na integridad, at walang bahid ng interes sa pulitika o negosyo lamang ang dapat mapabilang sa komisyong ito,” pahayag ng kilusan.”
Binibigyang-diin ng Artikulo Onse na dapat lamang na mga dalubhasa at indibidwal na may busilak na dangal ang mahalal sa komisyon, upang maiwasan ang pag-ulit ng mga pagkakamali at pagbagsak ng mga institusyon na naranasan ng ating mga kapitbahay gaya ng Indonesia—isang halimbawa ng panganib kapag hinayaan ang bulok na sistema ng korapsyon.
Kaakibat ng Article XI ng 1987 Konstitusyon na nagsasaad na “Public office is a public trust”, paalala ng Artikulo Onse sa lahat ng lingkod-bayan na ang kanilang kapangyarihan ay nakasalalay sa tiwala ng mamamayan. Ang tiwalang ito ay dapat pangalagaan sa pamamagitan ng pananagutan, integridad, at makabayang paglilingkod.
Bilang kilusang bayan, naninindigan ang Artikulo Onse na manatiling mata at tainga ng taumbayan, handang maglahad ng ebidensya, magsulong ng transparency, at magpalakas ng kampanya laban sa katiwalian. Bukas din ang kilusan na makipagtulungan sa bagong komisyon upang maisakatuparan ang adhikain ng isang maka-Dios at makatarungang lipunan na walang puwang ang katiwalian.
Stop Corruption. Walang Puwang ang Katiwalian sa Maka-Dios na Bayan.
